Tuesday, February 5, 2013

Maynila

Ako ay laking probinsya. Dito na ako nag-aral ng elementarya, hayskul at nag-kolehiyo. Dito din ako nagsimulang mangarap ng kung anu-ano kabilang na ang pagiging isang kilala at magaling na Photographer.

Nakakatungtong din naman ako ng kamaynilaan paminsan minsan, educational tours, bakasyon ng kaunting araw, at iba pa. Pero ngayong 4th year college lang ako nakapag stay ng matagal dahil sa OJT ko. Naranasan ko rin ma-snatch-an sa Quiapo, mawalan ng SV Card ticket ng LRT na kabibili lang, sumakay ng jeep habang umaandar, mga bagay na hindi mo mararanasan sa isang payapang probinsya na ang tanging problema lang ay ang mawalang ng daloy ng tubig tuwing alas dos ng madaling araw hanggang alas kwatro ng madaling araw. Siguro dahil nagtitipid sa tubig ang aming lugar.

Nakakahilo ang dami ng tao sa Maynila. Nakaka-imbyerna ang amoy ng kanal at ang mga sandamakmak na manlilimos na sasabihing hahalikan ka nya kapag hindi mo sya binigyan ng pera. Pero siguro nga ay hindi mapapalitan ng mga amoy ng kanal at basura at manlilimos ang mga oportunidad at magagandang establisyemento na nasa Maynila.

Isa sa mga adventure na nagpapa-kabog ng dibdib ko ay ang pagsakay sa ordinary bus sa Maynila. Kulang na lamang ay pakpak at simbilis na ng eroplano. Mga kaskaserong driver na palaging nagmamadali. Paminsan minsan ay nakakatulong din naman kapag late ka na sa klase o sa trabaho. Sugal-buhay para sa mga tinatamad lang maglakad.

Eskwaters. Minsan nakatira ako sa paupahang bahay na tanaw ang skwaters area at sa may gate ako tumatambay. Akala ko, pag skwater mahirap pa sa daga (yun ang akala ko kase yun ang nakikita ko sa balita dahil taga probinsya naman talaga ako) pero natawa ako at kinain ko ang sarili ko dahil madalas kong nakikita na kapag may bertdeyan sa skwater eh naka-catering service pa. Bukod pa ron, madalas ang Jollibee delivery sa lugar nila. Dahil nga malapit ang bahay na inuupahan ko sa skwater, bawal mag-sampay ng damit sa labas ng bahay lalo na kapag darating ang gabi dahil baka pagka-gising mo sa umaga para kang na-abrakadabra dahil na magic na ng taga skwater ang mga damit mo. Pero bakit pa sila magnanakaw kung panay Jollibee delivery naman sila. Siguro nga hindi naman talaga lahat ng nakatira doon ay may pera, pwede din naman na may pera talaga lang clepto.

Masaya naman sa Maynila eh. Yun nga lang, dapat talaga ay may pera ka. Aanhin mo ang pag-gala sa Malls kung ang dala mo lang ay pamasahe. Matatakam ka lang sa amoy ng donuts, roasted chickens at malamig na ice creams na nakapalibot sayo. Bukod don, mapapakamot ka lang sa bulsa kapag nakita mo ang mga presyo ng mga damit. Kapag nasa Maynila ka, importante ang pera. Kahit naman saan, importante ang pera.

Madami pa akong napapansin sa Maynila pero sa ngayon ay ito muna ang ibblog ko. Sana magustuhan nyo. Hanggang sa muling post!


No comments:

Post a Comment